Para Sa Lumisan At Sa Naiwan

nakahilata sa itim na sofa ng aking sala
nakahilig sa sandalan ng malambot na upuan
nakatulala sa pinto ng pangarap
nakadungaw sa bintana ng kahapon
dumaan ang eroplano
hinawi ang mga ulap
halos makita ko na ang nakahanay na mga parisukat na bintana

napakaraming bubong na nilampasan
sumagi sa isip kung nakikita ba ng isa sa mga nakasilip
naglalaro sa isip ng nakasilip kung may nakakita kaya sa pagdaan ng eroplanong naglululan sa kanya

mahahawakan ko na ang lumilipad na bagay
tinatahak ang mga daan mula sa ibabaw
dahil ba sa mababa ang kanyang lipad?... o sadyang mataas ang lugar na aking kinalalagyan?

mas masarap bang maramdaman ang paglapat ng talampakan sa maalikabok at mainit na daan?... ang pagbigat ng bawat hakbang dala ng mahabang paglalakbay?

abot kamay na ba ang pangarap?

alam ng eroplano ang kanyang patutunguhan...

ang nakahilata at ang lulan...

meron nga ba talagang pupuntahan?

(to JJ)