Tanggap ko na hindi ko na mararanasan kung paano maging isang biological mom. At hindi ko lubos na maiintindihan kung gaano kalalim ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak. Pero ako ay isang anak na may ina. Kaya sa punto de vista ng isang anak, alam ko na ang pagiging ina ay walang katapusan. Kahit kamatayan ay hindi hadlang upang aking maramdaman ang pagmamahal ng aking ina.
Nakatanggap ako ng sipi ng "Nanay, Nanay, Paano Maging Ina?" e-book mula sa The Filipino Homemakers. Ito ang kauna-unahang aklat na sinulat ng anim na ina upang ibahagi ang kanilang natatanging kwento mula sa puso.
Habang binabasa ko ang bawat kwento, hindi ko maiwasan na tumigil, magmuni-muni, at sariwain ang aking karanasan bilang anak sa aking ina, tumatayong ina sa aking nag-iisang pamangkin, at bilang asawa na minsan ay umasa na biyayaan ng anak.
"Parang ako ito"
"Naku, si mommy ganyan din sa aming magkakapatid"
Napapangiti ako. Ang mga reklamo ko sa buhay, kung tutuusin ay walang-wala sa mga pang-araw-araw na gawain ng mga ina ng tahanan.
Nalulungkot ako. Ang mga pangaral ng aking ina na akala ko dati ay puro mali ko lang ang kanyang nakikita. Hindi ko nga sya napasalamatan na kung ano man ang mabuting asal ko ay dahil sa kanyang pag-gabay.
Nanghihinayang ako. Hindi ko malalaman kung ako ba ay magiging mabuting ina.
Ang Nanay, Nanay, Paano Maging Ina? ay hindi lamang sinulat para sa mga ina. Ito ay para din sa mga anak upang mas maintindihan at ma-appreciate ang sakripisyo ng kanilang ina. Ito ay para sa asawa upang higit pang mahalin at pahalagahan ang ilaw ng kanilang tahanan. Ito ay para sa mapanghusgang lipunan na ikinakahon ang mga ina sa kung ano ang tama, dapat, at katanggap-tanggap.
Ang ilan sa may akda ay personal kong kilala at marahil karamihan sa inyo ay sinusubaybayan sila sa social media. Lubos ang aking paghanga sa kanilang matapang at taos pusong na pagbabahagi ng kwento ng kanilang buhay. Mas nakilala ko pa sila. Mas naintindihan. Mas hinangaan at minahal. At dahil din sa aklat na ito, mas nakilala ko ang aking sarili.
Ang Nanay, Nanay, Paano Maging Ina, ay opisyal na ilulunsad sa ika-22 ng Oktubre 2019, online sa BKS Moms
at The Filipino Homemakers Community sa Facebook. Mabibili ang e-book sa halagang P99. Para sa karagdagang detalye, bisitahin ang The Filipino Homemakers Community sa
https://www.facebook.com/groups/thefilipinohomemakers/.