Sa mahal kong mga kababayan, ito ang ating ihahain na legislative agenda sa Senado: mga bagong mungkahi at panukala na sa aking paniniwala ay kailangang maisulong sa Senado at ang iba naman ay bilang pagsuporta at pagpapalakas sa mga naihanay na sa kasalukuyang mga batas. Hindi ako magkukunwari. ‘Di ako eksperto sa pagiging mambabatas. Ngunit malinaw ang aking pamantayan, walang mayaman, walang mahirap. Ang tama ay tama, ang mali ay mali! Taglay ko ang kakayahang mamuno, at sa ang aking sariling karanasan bilang pulis sa halos apat na dekada, nakita at nadama ko ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan, sa iba’t ibang sulok na kapuluan. Kaya tayo ay naririto, iniaalay ang sarili upang muling makapaglingkod sa inyo, upang lalo pang mapabuti ang ating mga magandang simulain. Nawa’y sa pamamagitan nito, maging mas malayo pa ang ating marating bilang nagkakaisang pamayanan at taas-noo nating maihahanay ang ating bandila sa mundo bilang mga Pilipinong matatag, panatag at nagkakaisa.
KAPAYAPAAN AT KONTRA-KRIMEN
“Ang kaayusan at kapayapaan ang pundasyon ng kaunlaran. Walang asensong makakamtan kapag nabubuhay sa takot ang mamamayan.”
● Isusulong ang health and life insurance system para sa mga barangay tanod;
● Lilikha ng incentive system sa mga security guards na makakatulong sa pagsugpo ng krimen at isusulong ang mas mahabang validity ng lisensya ng mga security guards;
● Ipaglalaban ang independence ng PNP-Internal Affairs Service para lalong mapalakas ang pagpaparusa sa mga bugok na pulis;
● Ipaglalaban ang makabagong teknolohiya para mabilis at maasahan ang serbisyong pulis;
● Isusulong ang mas malaking pondo para sa body-worn camera ng mga pulis;
● Palalakasin ang Anti-Cybercrime Group ng PNP para masugpo ang online scammers, online sex predators, at iba pang cybercrimes at magkaroon ng mas matinding parusa para sa mga cybercriminals;
● Isusulong ang pagsasabatas ng QR code sa recruitment system sa uniformed service at sa employment system sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan upang magiba ang sistema ng palakasan.
KALUSUGAN AT KALIGTASAN
“Hindi naman tama na magbibilang na lang tayo lagi ng namatay tuwing may kalamidad. Maraming masasagip na buhay sa tamang paghahanda.”
● Ipaglalaban ang dagdag-benepisyo at insentibo para sa medical frontliners at health and life insurance sa mga barangay healthcare workers;
● Isusulong ang National Health Hazard Map para maiwasan ang pagkalat ng sakit at magkaroon ng epektibong response ang pamahalaan;
● Isusulong ang telemedicine bilang isang pangunahing paraan ng konsultasyon sa kalusugan sa panahon ng pandemya at sakuna;
● Pangungunahan ang pagpapatayo ng matibay na permanent evacuation centers upang hindi na gamitin ang mga paaralan sa evacuation;
● Isusulong ang Emergency Communication System gaya ng satellite phone sa bawat barangay sa disaster-prone areas;
● Bubuhayin ang Botika sa Barangay at pagkakaroon ng regular na medical and dental services sa mga kanayunan;
● Isusulong ang community-based rehabilitation programs para sa mga PWDs.
KABUHAYAN AT PAGKAIN PARA SA BAWAT TAHANAN
“Kung sino pa ang nagtatanim, sila pa ang halos walang makain. Bigyan natin ng dignidad ang mga magsasakang Pilipino.”
● Isusulong ang paglikha ng isang food security cluster na magbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka, mangingisda at mga mamimili;
● Isusulong ang insurance system para sa mga pananiman, livestock at palaisdaan na masasalanta ng kalamidad;
● Ipaglalaban ang pagpapatayo ng postharvest facilities sa mga agriculture at fishery areas sa bansa;
● Maninindigan para magkaroon ng college graduate sa bawat pamilya ng magsasaka at mangingisda;
● Ipaglalaban ang mas mataas na multa at parusa sa smuggling ng agricultural products;
● Pagbibigay ng insentibo sa mga negosyong kaugnay sa pagkain, partikular na ang mga kumpanyang magbubukas ng negosyo sa mga maliliit at underdeveloped na probinsya;
● Isusulong ang pantay na pagtrato sa mga kababaihang industrial workers;
● Isusulong ang pagbuo at pagpapatupad ng isang makabagong National Building Code;
● Isusulong ang pagpataw ng mas matinding parusa sa mga nangongotong sa vendors at maliliit na negosyante.
Iilan lamang ito sa ating ipaglalaban sa Senado. Kasabay nito ang aking pangako ng dedikadong partisipasyon ko sa oversight function ng Senado at sa pagbuo ng national budget na akma sa pangangailangan ng mga mamamayan at ligtas sa korupsyon. Hangga’t kinukupitan ang ating kabang-bayan, hindi makakaranas ng pagbabago ang ating mga mamamayan. Hindi natin pinalampas ang mali noong tayo ay PNP Chief. Hindi rin natin ito papayagan bilang isang marangal na kasapi ng Senado. Alam kong di madali ang lahat ngunit buo ang aking loob na kapag ang tanging hangarin natin ay mapabuti ang kalagayan ng ating mga mamamayan, tayo ay magtatagumpay.
DALA ANG TIWALA NINYO, ITO ANG MAGIGING LABAN KO SA SENADO.
SAMA-SAMA TAYO DAHIL ANG LABAN N’YO AY LABAN KO!